Pumunta sa nilalaman

Salawikain

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kawikaan)

Ang mga salawikain[1][2], kawikaan[1], kasabihan[1], wikain[1], o sawikain[1] ay mga maiiksing pangungusap na lubhang makahulugan at naglalayong magbigay patnubay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Naglalaman ito ng mga karunungan.[3]

Ang salawikain ng Pilipino

Ang mga salawikaing Pilipino [4][5] ay mga tradisyonal na kasabihang ginagamit ng mga Pilipino batay sa katutubong kalinangan, karunungan, at pilosopiya mula sa buhay sa Pilipinas. Katumbas din ng salitang salawikain ang sawikain (bagaman maaari ring tumukoy ang sawikain sa mga moto o idyoma), at ng Ilokanong sarsarita. Nilalarawan ang salawikain nagmumula sa Pilipinas bilang makapangyarihan at makatang pagpapadama at payak na anyo ng mga pahiwatig. Kapag ginamit sa pang-araw-araw na pag-uusap, gumaganap ang mga salawikain bilang mga pagbibigay - diin sa isang punto o isang kaisipan ng paliwanag o dahilan: ang Pilisopiyang Pilipino.[5] Isang tanyag na katutubong salawikaing Pilipino ang mga katagang: Ang taong hindi marunong umalala o lumingon sa kaniyang pinanggalingan ay hindi makakarating sa kaniyang paroroonan. Isa itong salawikaing Tagalog na naglalahad at humihikayat sa isang tao upang bigyan ng pagpapahalaga ang muling pagtanaw sa kaniyang pinagmulan at pinag-ugatan. Ipinababatid din ng kasabihang ito ang isang pagpapahalagang Pilipinong tinatawag na utang na loob, ang pagbibigay ng angkop na pahalaga at pagtingin sa mga taong nakatulong sa isang tao para magtagumpay sa buhay o adhikain.[5] Pinagpangkat-pangkat ni Damiana L. Eugenio, isang propersor mula sa Unibersidad ng Pilipinas, may-akda ng Philippine Proverb Lore (1975), at tinagurian ding "Ina ng Kuwentong-Bayan ng Pilipinas"[6] ang mga salawikaing Pilipino sa anim na mga kaurian o kategorya ayon sa mga paksa: ang mga salawikaing etikal (yung mga nagsasaad ng isang pangkalahatang gawi hinggil sa buhay at sa mga batas na nangangasiwa sa mismong pamumuhay), ang mga salawikaing nagmumungkahi ng mga pagpapahalaga at nagtatakwil sa mga bisyo, ang mga salawikaing nagpapadama ng isang sistema ng mga pagpapahalaga, ang mga salawikaing naglalahad ng mga pangkalahatang katotohanan at mga pagmamasid tungkol sa buhay at kalikasan ng tao, ang mga salawikaing nakakatawa, at ang iba pang mga salawikain. Adamson University Journal.

Paggamit

Nilalarawan din ang mga salawikain bilang mga palamuti sa wika, mga pananalita ng mga ninunong naisalin ng isang salinlahi sa pangkasulukuyang mamamayan, at bilang karunungang natutunan mula sa karanasan, na nakapagsasaad ng damdamin, paglalahad, o opinyon. Bukod pa rito, nagagamit din ang mga salawikain para hindi masaktan ang damdamin ng ibang mga tao. Isang halimbawa nito ang katagang: "Bato-bato sa langit, pag tinamaan huwag magagalit." Sa pamamagitan ng pagsipi ng tama at napapanahong salawikain, maaaring ilahad ng isang tao ang awa, paglalagay niya ng sarili sa katauhan ng ibang tao.

Mga halimbawa

Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga salawikain mula sa Pilipinas:

  • Salawikain: Pagkahaba-haba man ng prusisyon sa simbahan din ang tuloy.
Kahulugan: Sa tinagal-tagal man ng samahan ng magkasintahan, sa bandang huli ay humahantong din ito sa kasalan.
  • Salawikain: Pag maikli ang kumot, matutong mamaluktot.
Kahulugan: Kung nakakaranas ng kakulangan sa buhay ang isang tao ay dapat siyang mamuhay ng naaayon sa kanyang kakayahan. Matutong magtipid at maging payak sa pamumuhay.
  • Salawikain: Kung hindi ukol, hindi bubukol.
Kahulugan: Ang swerte sa buhay ay huwag asahang makakamtan kung hindi nakalaan para sa iyo.
  • Salawikain: Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Kahulugan: Hindi sapat na tayo ay humingi ng awa sa Diyos, kailangan din natin na pag-ukulan ng sikap at gawa upang matamo ang mimithing biyaya.
  • Salawikain: Lahat ng gubat ay may ahas.
Kahulugan: Saan man sa ating lipunan ay may mga taong traydor na gumagawa ng mga bagay na nakalalason o nakasisira sa samahan ng bawat isa.
  • Salawikain: Magkulang ka na sa asawa huwag lamang sa iyong anak..
Kahulugan: Kadalasang ipinapayo ito sa mga nagbabalak magpakasal o sa mga bagong mag-asawa upang mapabuti ang kanilang pagsasama. Ang mga magulang kase ay higit na mapagtatakpan o mapapatawag ang pagkukulang ng sariling anak keysa sa pagkukulang ng ibang tao.
  • Salawikain: Kung ano ang puno, siya ang bunga.
Kahulugan: Ginagamit sa paghahambing ng anak sa kanyang mga magulang. Sapagkat ang mga magulang ang humuhubog sa pagkatao at pag-uugali ng anak, ang anak ang nagiging larawan ng pagkatao at pag-uugali ng kanyang mga magulang. Ang mabuti (o masamang) anak, ay karaniwang ibinubunga ng mabuti (o masamang) mga magulang.
  • Salawikain: Kung ano ang itinanim, ay siyang aanihin.
Kahulugan: Kung ano ang ginawa mo sa kapwa ay kadalasang ganun din ang gagawin sa iyo. Halimbawa kung naging matulungin ka sa kapwa ay tutulungan ka rin ng mga taong tinulungan mo.
  • Salawikain: Ang taong ginigipit sa patalim man ay kumakapit.
Kahulugan: Ang taong nagigipit kung minsan ay napipilitang gumawa ng mapangahas na bagay na maaaring maging dahilan upang lalu lamang siyang magipit. Halimbawa, ang taong may mabigat na pangangailangan ng pera ay nagagawang mangutang ng patubuan, tulad ng five-six, na nagiging dahilan upang lalu pa siyang mangailangan ng pera.

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 English, Leo James (1977). "Salawikain, kasabihan, kawikaan, wikain, sawikain, proverb, maxim, saying". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. De Guzman, Maria Odulio (1968). "Salawikain, proverbs, kasabihan, proverb". The New Filipino-English / English-Filipino Dictionary. National Bookstore (Lungsod ng Mandaluyong) ISBN 9710817760.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. The Committee on Bible Translation (1984). "Proverbs – wise sayings". The New Testament, God's Word, The Holy Bible, New International Version (NIV). International Bible Society, Colorado, USA.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), Dictionary/Concordance, pahina B9.
  4. Adamson University Journal. Salawikain: Filipino proverbs, Angelfire.com
  5. 5.0 5.1 5.2 Philippine Proverbs, What are Proverbs? Naka-arkibo 2008-12-11 sa Wayback Machine., Seasite and Philippine Literature On-line,
  6. Damiana L. Eugenio, "Mother of Philippine Folklore," Naka-arkibo 2011-06-12 sa Wayback Machine. Nanzan-U.ac.jp