Pumunta sa nilalaman

Sinodo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang sinodo sa kasaysayan, ay isang konsilyo ng isang simbahan, na karaniwang nagtitipon-tipon upang magpasiya sa isyu ng doktrina, pangangasiwa o aplikasyon. Sa pangkasalukuyang gamit, ang salita ay karaniwang tumutukoy sa lupong nangangasiwa ng isang partikular na simbahan, nagpupulong man ang mga kasapi nito o hindi. Karaniwang tinutukoy rin nito ang isang simbahan na pinamamahalaan ng isang sinodo.

Galing sa Griyegong "σύνοδος" (synodos) ang salitang "sinodo" na ibig sabihin ay "pagpupulong", at ito ay singkahulugan ng Latin na "concilium" na ibig sabihin ay "konsilyo". Dati-rati ang mga sinodo ay pagpupulong ng mga obispo, at ginagamit pa rin ang salita sa naturang kabuluhan sa Katolisismo at Silanganing Ortodoksiya.

Paminsan-minsan ang katagang "pangkalahatang sinodo" o "pangkahalatang konsilyo" ay tumutukoy sa konsilyong ekumeniko. Tinutukoy rin ng salitang "sinodo" ang nakatayóng konsilyo ng matataas na obispong namamahala ng mga awtosepalong simbahan ng Silanganing Ortodoksiya. Gayon din, ang araw-araw na pamamahala ng patriyarkal at arkiepiskopal ng mga Silanganing Simbahang Katoliko ay ipinagkakatiwala sa isang pamalagiang sinodo.